Isinulat nina William Alonzo – 7C, Jian Chan – 7C, Spencer Keh -7B
Katuwang sina Marc Dy Juanco, 7D, Dustin Lim, 7D, Dave Calma, 7C, Deric Chu, 7B, Tommy Chen, 7C, Kester Ng Wee, 7B, at Jadrien Chua, 7B (Xu Guangqi 1)
Ito na ang simula ng pagbabago , ang pagkakataong ipakita sa mundo ang galing ng bawat Chinoy , ang tulay na magdidikta ng kinabukasan ng marami – XCE - ang simula ng makabuluhang biyahe.
Araw – araw , simula pa lang ng Grade 6 , kami ay punong- puno na ng pagkasabik ng aming mga batchmates tungkol sa XCE . Isang taon na lang at makakalahok na rin kami sa XCE , ang tutulong sa amin na maging taong gusto naming maging.
Ngayon at kami ay nasa Grade 7 na , nabigyan kami ng pagkakataong makasali sa Xavier China Experience-Guangzhou . Tuwing lumilipas ang isang araw , lalo lang napupuno ng kasabikan at pagkanerbyoso ang aming mga puso . Halos di kami makatulog araw-araw sa pag-iisip lamang kung ano ang mangyayari doon. Paano kaya ako mamumuhay nang mag-isa ? Kakayanin ko ba ito ? Totoo nga bang masaya ang XCE ? Tama ba ang desisyon kong makilahok sa XCE ?
Umaga ng Miyerkules, ika-26 ng Oktubre 2011 , kami ay pumunta sa MPC ng Xavier School upang maayos na makapagpaalam sa aming mga minamahal. Kahit ano ang gawin mo , di mo maiiwasan na maging nerbyoso at mag-alala . Ang mga mata ng aming mga magulang ay halos lumuha ng dugo . Kahit hindi man ipakita ng iba , halata sa bawat galaw , na mahirap para sa kanila na iwanan ang kanilang mga minamahal . Ang mga kamay ng mga magulang ay parang mighty bond sa huli nilang pagyakap sa kanilang mga anak bago pa man sila umalis. Kaming dating mga musmos pa lamang , ay babyahe na ngayon nang mag-isa .
Makalipas ang ilang oras , sumakay na kami ng bus patungong Ninoy Aquino International Airport . Sa mga sandaling iyon , lahat ng mga takot at kaba ay nawala at ang pagkasabik ay bigla na lang umapaw. Hindi kami makapaniwala na nasa malapit na sulok na lang ang matagal na naming hinihintay . Sa haba ng proseso , sa haba ng paghahanda …. abot-kamay na namin ang aming matagal na inaasam. Ito na ang simula , ang simula ng XCE!
Pagkatapos ng isang oras ng paglalakbay , dumating na kami sa NAIA. Dumaan kami sa immigration , check – in, at iba pang mga tsekpoint . Pagkatapos ng lahat ng ito , naghintay pa kami ng mahigit isang oras . Alas-dose na ng tanghali noong kami ay nakaalis . Tumagal ng tatlong oras ang paglipad . Dumating na kami ng Guangzhou ng alas-dos ng hapon . Pagbaba namin ng eroplano , gumaan na lang bigla ang pakiramdam namin . “Yes! Sa wakas , nandito na kami sa Guangzhou!”
Dumaang muli kami sa immigration at kinuha namin ang aming mga bagahe . Lumabas kami ng airport at bigla kaming sinampal ng malamig na hangin . Ang sarap ng pakiramdam na wala masyadong polusyon at mala-Baguio ang simoy. Dahil malayo ang unibersidad namin mula sa paliparan , sumakay kami ng isang bus papunta roon . Ang bus na sinakyan namin ay nasa kabilang bahagi pa ng kalsada, kaya kinailangan pa naming umakyat ng tulay upang makarating lang doon.
Dumating kami sa unibersidad at kumain muna ng hapunan . Nasiyahan kami sa balitang makakakain na kami ng hapunan, ngunit bigla nilang sinabi sa amin na kailangan pa naming umakyat sa ika-apat na palapag. Habang umaakyat, inisip namin kung ano kaya ang kakainin namin para sa gabing iyon. Lahat ng mga dimsum at iba pang masasarap na pagkain ay pumasok sa aming mga isipan. Narating din namin ang kainan sa ilang hakbang. Ngunit ang lahat ng magagandang kaisipan ay pawang naglaho sa unang kagat! Hindi pa kasi kami sanay sa mga lasa ng pagkain dito sa Guangzhou. Humingi kami ng tubig dahil sa aming uhaw mula sa biyahe, ngunit binigyan nila kami ng mainit na tubig! Sa sobrang init nito, halos di na namin mahawakan ang mga baso.
Pagkatapos ng hapunan , pumunta kami sa aming dormitoryo. Akala namin na makakapagpahinga na kami , pero nagkamali kami sa aming akala . Sinabi nila sa amin na ang kwarto pala namin ay nasa ikaanim na palapag. Pag-akyat namin sa aming palapag , hindi na namin maramdaman ang aming mga paa . Lawit na ang aming mga dila at hindi kami makahinga . Pagpasok namin sa aming mga kwarto , bumalik ang lahat ng mga tanong at kaba . Parang kaming mga sanggol na naiwan ng aming mga nanay, mga sanggol na di alam ang gagawin … parang nahulog nang biglaan ang mundo. Kinabahan kami at natakot .
Sa mga unang araw na kami ay nasa Guangzhou, naalala namin ang aking pamilya . Nalungkot kami nang todo at nawalan ng gana . Minsan nga ay di na kami makatulog nang maayos dahil hindi na kami mapakali. Pinagnilaynilayan namin kung ano ang pwede naming gawin tungkol dito, hanggang biglaan naming naalala ang sinabi ng isa naming kaibigan, “Huwag ninyong sasayangin ang buhay at oras ninyo sa mga bagay na hindi makakatulong sa inyo , sa mga bagay na hahadlang lamang sa maari ninyong gawin”. Sinabi namin sa sarili namin na kahit ano pang gawin namin, kahit gaano pa man kami malungkot, wala na kaming magagawa . Nandito na kami sa Guangzhou at ang maaari na lang naming gawin ay siguraduhin na ito ay magiging isang makabuluhang karanasan na habambuhay tatatak sa aming mga isipan at pagkatao.
Habang hinihintay naming dumating ang iba pa naming kasama, naisip naming dapat kaming mag-chill muna. Para matanggal ang stress at kaba, naisip namin na dapat siguro ay matikman namin ang iba pang mga pagkain dito para mas tunay naming maintindihan ang pagkaing Guangzhou . Sa ibaba ng aming dorm ay may isang tindahan na nagbebenta ng naicha . Sabi ng mga tao ay kakaiba daw ang lasa ng inumin nila doon at kailangan daw naming subukan ito. Bumili ang isa sa amin para tikman ito at tunay ngang napamahal siya rito . Mas masarap siya sa mga nagbebenta ng naicha sa Pilipinas at mas mura pa siya.
Sa tuwing hindi namin talagang maiwasan malungkot , pumupunta kami sa isang lawa na malapit sa aming eskwelahan. Malinis at tahimik ang kapaligiran ng lawa. Tunay kaming nasisiyahan sa tuwing pumupunta kami roon .
Lumipas ang ilang mga araw at dumating na ang iba naming mga kasama . Tinulungan namin iakyat ang mga maleta nila at sa iba pa nilang pangangailangan. Nag-Alay Buhat kami sa Guangzhou!
Dumating ang araw ng Linggo. Pumunta kami sa isang katidral, Stone Cathedral daw ang pangalan nito. Nakinig kami ng misa at kahit ito pa man ay nasa Chinese, sinubukan naming maintindihan ang gustong ipahiwatig ng pari.Pagkatapos ng misa, kami ay pumunta ng mall . Malaki ang mall na napuntahan namin. Sa sobrang laki nito, halos nagkawalaan kami. Mayroon itong pitong palapag na punong-puno ng mga gamit na mumurahin at maganda.
Nang sumunod na araw, Lunes, nagsimula na ang aming klase. Nagising ang lahat nang maaga at inihanda lahat ng kailangan para sa klase . Pagpasok namin sa silid-aralan , bigla na lang pumasok sa mga isipan namin ang mga tanong na ito – Mabait kaya ang magiging mga guro namin? Ano kaya ang kaibahan ng klase dito sa XS? Dumating ang aming guro na may suot na shades at may seryosong mukha . Natakot kami ng aking mga kaklase . Tinanggal niya ang kanyang shades at bigla siyang tumalon . Ngumiti siya samin at nagsimulang magkwento . Gumaan bigla ang aming pakiramdam noong nalaman namin na ang guro namin ay mabait . Nagsimula agad kami sa una naming aralin. Nagulat lahat kami dahil hindi pala ganoon kahirap ang mga aralin dito.
Iba-iba talaga ang mga araw dito sa Guangzhou. May mga masasayang karanasan at may iba namang may pagka-malungkot. May mga umiiyak dahil sa lungkot at pangungulila sa pamilya, ngunit mayroon din namang umiiyak nang dahil sa lubos na kaligayahan. Ang XCE ay nagsisimula pa lamang, ito ang treyler pa lang ng isang maganda, makabuluhan at ‘di malilimutang karanasan. Kung ang mga pelikula ay may preview… ito ay sneak peak para sa amin. Sana magkaisa ang bawa’t kalahok sa XCE at sana magamit namin ang oportunidad na ibinigay ng Diyos na maipakita sa buong mundo ang galing ng tunay na TSINOY, ang galing ng mga TUNAY NA XAVERIAN, saan man sa mundo.
More XCE Guangzhou 2011 pictures are posted at http://xceguangzhou1112.shutterfly.com










Made me teary-eyed but I know they will survive since they are in good hands…
napakahusay!!! muntik na tumulo ang aking luha habang binabasa ang artikulo. Patnubayan kayo lagi ng Diyos. Bravo Team Xu Guangqi 1 !!!
Natutuwa ako na maayos kayong nakarating diyan. Alam kong magiging makabuluhan ang inyong mga karanasan diyan na magpapabago sa inyong mga pananaw sa buhay. Mabuhay! Miss ko na ang mga students ko lalo na ang mga advisees ko.
i had so much fun reading this, the boys know how to mix humor to it! You got it right boys, our hands are like mighty bond! hahahaha…good job, Xu guangqi 1!
I’m very proud of all of you. Keep up the good work. God bless.
Ang galing ng mga nagsulat ng artikulong ito. Umaasa akong makabasa ng mga susunod na yugto ng nakakaibang karanasan ninyo diyan sa Guangzhou! Bravo!